MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash aid sa mga tricycle driver sa ilang lungsod sa Metro Manila kahit pa tumapat sa Eid’l Fitr ang payout, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hindi dapat mag-alala ang mga hindi pa nakatanggap ng ayuda dahil tuloy-tuloy ang payout, partikular sa Quezon City.
“Hindi nila kailangan mangamba kasi bukas (Biyernes) may special, may continuous payout pa rin tayo sa Quezon City, so masasama naman sila ulit doon,” ani Gatchalian.
Ipinakita sa ulat na may ilang tricycle driver na nakatanggap na ng ₱5,000 ayuda matapos hindi maisama sa unang listahan ng benepisyaryo, habang ang iba ay patuloy pang naghihintay.
Nakatakda ring magpatuloy ang pamamahagi sa Marikina, Parañaque, at Caloocan.
Ayon sa mga miyembro ng Batasan TODA sa Quezon City, malaking tulong ang ayuda upang makasabay sa tumataas na gastos sa krudo.
Hinimok naman ng DSWD ang mga benepisyaryo na i-report ang sinumang naniningil ng processing fee, dahil libre ang pagkuha ng ayuda.
Samantala, nakatakda ring simulan sa susunod na linggo ang pamamahagi ng ₱5,000 tulong sa motorcycle taxi riders, TNVS drivers, jeepney drivers, at delivery riders.
Patuloy ding pinag-aaralan ng DSWD at Department of Transportation ang posibleng pagtaas ng ayuda para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan. Santi Celario