MANILA, Philippines – Nanawagan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Bureau of Customs (BOC) na kunin na ang mga luxury vehicles na iniuugnay sa dating mambabatas na si Zaldy Co na kasalukuyang naka-imbak sa kanilang compound, kasabay ng nalalapit na pagtatapos ng operasyon ng komisyon sa Marso 31.
Ayon kay ICI Special Adviser at retiradong heneral na si Rodolfo Azurin, dapat nang i-retrieve ng BOC ang anim na sasakyan kabilang ang isang Rolls-Royce, tatlong Cadillac, at dalawang Lexus.
Dagdag pa, inatasan din ang Philippine National Police-Highway Patrol Group na kunin ang tatlo pang luxury vehicles na nakumpiska sa isang condominium sa Taguig.
Kabilang dito ang isang Ferrari na patuloy pang bineberipika ang may-ari. Ililipat din ng ICI ang isang Lamborghini Urus at isang GMC na isinuko ng dating Department of Public Works and Highways assistant engineer na si Brice Hernandez.
Sinabi ni Azurin na patuloy ang koordinasyon ng ICI sa iba pang ahensya upang maayos na maisara ang kanilang operasyon. RNT