Home HOME BANNER STORY P3 taas-presyo sa bigas, na-monitor ng DA sa mga palengke

P3 taas-presyo sa bigas, na-monitor ng DA sa mga palengke

280
0

MANILA, Philippines – Naitala ng Department of Agriculture (DA) ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado kasunod ng oil price hike, kung saan umabot sa ₱3 kada kilo ang itinaas sa lokal na bigas at hanggang ₱5 naman sa imported.

Batay sa monitoring, tumaas ang presyo ng imported well-milled rice mula ₱43-₱49 noong Marso 9 patungong ₱45-₱49 noong Marso 18, habang ang imported regular milled rice ay umakyat mula ₱37-₱46 patungong ₱42-₱45. Sa lokal na bigas, ang well-milled rice ay mula ₱40-₱54 naging ₱40-₱57, at ang regular milled ay mula ₱33-₱48 naging ₱35-₱47.

Sa Poblacion Market sa Makati, ibinebenta ang well-milled rice sa ₱58 hanggang ₱60 kada kilo, mas mataas ng hindi bababa sa ₱3 kumpara sa dating ₱55. May ilan pang nagbebenta ng hanggang ₱70 kada kilo.

Dahil dito, iminungkahi ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel ang ₱50 kada kilo na price cap sa imported rice upang maprotektahan ang presyo ng palay ngayong anihan.

“Ang landed cost is P35 eh so plus P10 yan sa merkado. Meron na kita ang importer, trader, retailer dapat P45 lang yan to P48 nga. Dapat ang imported rice nasa P45 to P50 yan. Anything above that is tingin ko profiteering talaga and taking advantage,” ani Laurel.

Aminado rin ang ilang negosyante at tindera na nahihirapan silang magtaas ng presyo dahil baka mawalan sila ng kostumer, kaya’t binabawasan na lamang ang serving. May mga retailer ding umaasang makakuha ng suplay mula sa Food Terminal Inc. at Planters Products Inc. upang makapagbenta ng mas murang bigas sa halagang ₱48 kada kilo.

Sa kasalukuyan, may 36 pamilihan na nag-aalok ng abot-kayang bigas, at nakatakdang palawakin ito sa Cebu, Cavite, at iba pang lugar.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo, tiniyak ng DA na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa hanggang Hunyo o Hulyo dahil sa mataas na imbentaryo ng National Food Authority at kasalukuyang peak harvest season. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here