Home NATIONWIDE Pinas nahaharap sa “water bankruptcy” – DENR

Pinas nahaharap sa “water bankruptcy” – DENR

185
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nahaharap ang Pilipinas sa posibleng “water bankruptcy,” kung saan mas mabilis ang konsumo ng tubig kaysa sa kakayahan ng kalikasan na ito’y mapunan.

Sa isang briefing kaugnay ng World Water Day 2026, sinabi ni Environment Secretary Juan Miguel Cuna na lumalala ang agwat sa suplay at demand ng tubig sa bansa.

“The Philippines is facing a challenge of water bankruptcy, where national consumption outpaces nature’s ability to replenish,” anang kalihim.

Dagdag pa niya, patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang suportado ng ₱485 milyong pondo na inaasahang makikinabang ang higit 440,000 katao pagsapit ng 2026.

Ipinakita naman ni DENR Undersecretary Carlos Primo David ang mga hakbang upang mahatiran ng malinis na inuming tubig ang 250 maliliit na isla, karamihan sa Visayas at Mindanao, pati na rin ang ilang lugar sa Luzon na kulang sa ligtas na suplay. Kabilang sa mga solusyon ang desalination systems, water refilling stations, at subsurface water extraction.

Gayunman, aminado ang DENR na limitado pa ang saklaw ng mga programa.

Sa kasalukuyan, nasa 405,000 katao pa lamang ang natutulungan—katumbas ng 1 porsiyento ng tinatayang 40 milyong Pilipinong kulang sa access sa malinis na tubig.

Tinatayang aabot sa ₱200 bilyon ang kinakailangan upang tuluyang matugunan ang suliranin, kung saan pangunahing hadlang ang kakulangan sa pondo. “The biggest challenge is funding,” he said.

Sa kabila nito, iginiit ng DENR na sulit ang mga pamumuhunan dahil nagbibigay ito ng pangmatagalang benepisyo sa mga komunidad. Kasabay nito, nanawagan si Cuna sa publiko na makiisa sa pagtitipid ng tubig at agarang i-report ang mga tagas sa linya ng tubig. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here