MANILA, Philippines – Nagsampa ang Department of Justice (DOJ) ng apat na kasong tax evasion laban sa contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya sa Court of Tax Appeals (CTA), matapos ibasura ang kanyang motion for reconsideration na nagdulot ng pagkaantala sa pagsasampa ng kaso.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na tuluyan nang naihain ang mga kaso kaugnay ng umano’y hindi paghahain ng tamang tax returns at pagbibigay ng hindi tumpak na impormasyon sa buwis.
Nauna nang sinampahan ng kaparehong kaso ang kanyang asawa na si Cezarah Rowena “Sara” Discaya noong Pebrero 6.
Ang mag-asawang Discaya ay iniuugnay sa mga maanomalyang flood control projects, at si Curlee ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Senado.
Ang criminal information na may petsang Disyembre 2025 ay pormal na inihain sa CTA noong Marso 12, habang naghain naman ng entry of appearance ang kanilang mga abogado noong Marso 18.
Ayon sa pamahalaan, tinatayang umaabot sa ₱7.18 bilyon ang kabuuang tax liability ng mag-asawa, kabilang ang hindi nabayarang income tax at documentary taxes mula sa umano’y divestment sa apat na construction firms.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring maharap si Discaya sa parusang pagkakakulong ng hanggang 10 taon at multang aabot sa ₱100,000. RNT