MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang magkahiwalay na kaso kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth at coco levy funds laban sa pamilya Marcos at Romualdez, dahil sa procedural at legal na isyu.
Sa unang kaso, ibinagsak ng Second Division ang 1987 coco levy civil case laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, Imelda Marcos, at Juan Ponce Enrile dahil sa “inordinate delay” o labis na tagal ng pag-usad ng kaso.
Ayon sa korte, ang halos 40 taong pagdinig ay lumabag sa karapatan ng mga akusado sa mabilis na pagresolba ng kaso.
Tinanggihan din nito ang mosyon ng Presidential Commission on Good Government na muling buksan ang kaso, at kinatigan ang argumento ng depensa na naapektuhan na ang kanilang kakayahang magtanggol dahil sa pagpanaw ng ilang saksi at pagkawala ng mga ebidensya. Ipinagpapatuloy naman ang pagdinig laban sa iba pang natitirang akusado.
Samantala, ibinasura rin ng Sixth Division ang kaso ng pamahalaan upang makumpiska ang mahigit $5 milyon na umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng yumaong si dating Leyte Governor Benjamin “Kokoy” Romualdez at kanyang asawa.
Batay sa desisyon, hindi maaaring pakialaman ng Sixth Division ang naunang utos ng Fourth Division na nagpalaya sa naturang pondo noong 2025, alinsunod sa prinsipyo ng “judicial stability” o non-interference sa kapwa sangay ng hukuman.
Binanggit din ng korte ang matagal na pagkaantala sa pag-usad ng kaso bilang indikasyon ng pag-abandona ng pamahalaan sa paghahabol nito.
Si “Kokoy” Romualdez ay pinsan ni Imelda.
Ang dalawang desisyon ay bahagi ng mas malawak na serye ng mga kasong isinampa upang mabawi ang mga pondong umano’y nakolekta mula sa coco levy at iba pang yaman na pinaniniwalaang nakuha sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Santi Celario