MANILA, Philippines – Isang pambihirang uri ng pagong na kabilang sa critically endangered species ang nalambat sa Apayao River at agad na ibinigay nang buhay sa mga awtoridad, na nagbigay ng pag-asa sa konserbasyon nito.
Sa pagsusuri ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), napag-alamang ang pagong ay isang Cantor’s giant softshell turtle—isa sa pinakabihirang freshwater turtles sa mundo—at may dala pang mga itlog.
Dahil dito, naniniwala ang mga eksperto na may potensyal na dumami ang populasyon nito sa ilog kung maayos na mapapangalagaan.
Ayon sa ulat, ito ang unang dokumentadong kaso ng ganitong uri ng pagong sa nasabing lugar ng DENR-CENRO Kalanasan.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng ahensya ang pagong upang masigurong maayos ang kondisyon nito bago muling ibalik sa natural nitong tirahan sa ilog. Mary Anne Sapico