MANILA, Philippines – Walang itinakdang tiyak na panahon ang Estados Unidos para sa pagtatapos ng digmaan laban sa Iran, ayon kay US Defense Secretary Pete Hegseth, tatlong linggo matapos simulan ang operasyon kasama ang Israel.
Sa isang press conference, sinabi ni Hegseth na nasa Pangulong Donald Trump ang huling desisyon kung kailan ito matatapos. “We wouldn’t want to set a definitive time frame,” ani Hegseth, at idinagdag na “we’re very much on track.” “It will be at the president’s choosing, ultimately, where we say, ‘Hey, we’ve achieved what we need to.’”
Inihayag din niya na maaaring humingi ang Pentagon ng mahigit $200 bilyon na karagdagang pondo mula sa Kongreso para tustusan ang patuloy na operasyon. “As far as $200 billion, I think that number could move. Obviously it takes money to kill bad guys,” dagdag pa niya.
Samantala, ibinahagi ni top US military officer General Dan Caine na ginagamit ng US ang A-10 Warthogs upang targetin ang mga fast-attack watercraft sa Strait of Hormuz, habang ginagamit naman ang AH-64 Apache helicopters laban sa Iran-aligned militia sa Iraq at sa mga drone na inilulunsad ng pwersa ng Tehran.
Patuloy ang labanan sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, kung saan nagdulot na ng mga nasawi at pagkagambala sa mahahalagang rutang pandagat ang sagupaan. RNT