MANILA, Philippines – Nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na gawing libre ang sakay sa tren kasunod ng anunsyo ng pamahalaan na magpapatupad ng 50 porsiyentong diskwento sa pamasahe sa LRT-2 at MRT-3 simula Marso 23.
Ayon kay Cendaña, bagama’t positibo ang fare discount, hindi ito sapat upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“The government’s discount is good, but the riding public needs free train rides. While we claim this as partial victory in our call for accessible and free public transportation, especially in times of crisis, we believe that the government can actually do more,” ani Cendaña.
Iginiit niyang dapat lubusan na ang hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang gastusin ng mga commuter.
“Kung kaya magbigay ng malaking discount, lubos-lubusin na nila. Gawin na nilang libre ang train rides para hindi na makabawas pa ang pamasahe sa overall na gastusin ng mamamayan, lalo na at may krisis,” aniya pa.
Binigyang-diin din niya na kailangan ang mas matitinding solusyon sa kasalukuyang fuel crisis. “Itrato natin itong parang may mahal tayo sa buhay na may malalim na karamdaman. Hindi ba gagawin natin ang lahat para mapagaling siya?” dagdag pa ng solon.
Kaugnay nito, isinusulong ng Akbayan bloc ang iba pang agarang hakbang tulad ng suspensyon ng fuel excise tax, pagpapalawak ng subsidiya para sa transport workers, mangingisda at magsasaka, dagdag na tulong sa mga mahihirap, at pagsusuri sa polisiya sa enerhiya ng bansa. RNT