MANILA, Philippines – Inaasahang tataas nang higit sa karaniwan ang singil sa kuryente ngayong tag-init dahil sa pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ni ERC chairperson Francis Saturnino Juan na ang pagtaas ng shipping cost ng langis, coal, at natural gas—na ginagamit sa power plants—ang magtutulak sa pagmahal ng kuryente. “Inaasahan natin na baka ngayong taong ito dahil sa nangyayaring giyera diyan sa Middle East, mas magiging mataas ang itataas [ng kuryente] nitong summer months,” ani Juan.
Batay sa pagtataya, maaaring umabot sa ₱2 hanggang ₱4 kada kilowatt-hour ang dagdag-singil, na posibleng maramdaman na simula Abril. Ayon kay Juan, kahit ₱1 lamang ang itaas kada kWh, maaaring umabot sa ₱200 ang dagdag sa bill ng isang household na kumokonsumo ng 200 kWh.
Dagdag pa niya, maaaring ipatupad ang staggered increase kung masyadong mataas ang itataas sa singil, habang may posibilidad ding suspindihin ang Wholesale Electricity Spot Market kung kulang ang suplay ng kuryente sa summer months.
Hinikayat din ng ERC ang publiko na bawasan ang konsumo ng kuryente at isaalang-alang ang paggamit ng solar panels bilang alternatibong paraan upang makatipid at makatulong sa suplay ng enerhiya. Dave Baluyot