MANILA, Philippines – Tatlo lamang sa bawat sampung Pilipino ang nagsabing “very happy” sila sa kanilang buhay, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas bago ang International Day of Happiness.
Sa 1,200 respondents na sinuri noong Nobyembre 2025, 33 porsiyento ang “very happy,” habang 50 porsiyento ang “fairly happy.” Samantala, 15 porsiyento ang “not very happy” at 2 porsiyento ang “not at all happy.”
Sa usapin ng life satisfaction, 28 porsiyento ang “very satisfied” at 51 porsiyento ang “fairly satisfied,” habang 14 porsiyento ang “not very satisfied” at 7 porsiyento ang “not at all satisfied.”
Pinakamataas ang bilang ng “very happy” sa Visayas na may 40 porsiyento, sinundan ng Mindanao (34 porsiyento), Balance Luzon (32 porsiyento), at Metro Manila (24 porsiyento). Sa life satisfaction, nanguna rin ang Visayas sa may 35 porsiyentong “very satisfied.”
Ipinakita rin ng survey na mas mataas ang antas ng kasiyahan sa mga hindi nakaranas ng involuntary hunger at sa mga nagsabing gumanda ang kanilang kalidad ng buhay, gayundin sa mga umaasang mas bubuti pa ito sa susunod na taon.
Gayunman, mas mababa ang kasalukuyang bilang ng “very happy” at “very satisfied” kumpara sa mga nakaraang taon, lalo na noong Disyembre 2023.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Nobyembre 24 hanggang 30, 2025. Santi Celario