MANILA, Philippines – Nanatili ang University of the Philippines (UP) bilang nangungunang unibersidad sa bansa sa 2026 EduRank top 100 ranking ng mga pamantasan sa Pilipinas.
Sumunod sa UP ang De La Salle University sa ikalawang puwesto at Ateneo de Manila University sa ikatlo, habang pumang-apat ang University of Santo Tomas.
Kabilang din sa top 10 ang iba pang kampus ng UP—UP Los Baños (ika-5) at UP Manila (ika-6)—kasunod ang Mapua University (ika-7), University of San Carlos (ika-8), Asian Institute of Management (ika-9), at Silliman University (ika-10).
Batay ang ranking ng EduRank sa research output, non-academic prominence, at impluwensya ng alumni, kung saan 45 porsiyento ang bigat ng research at non-academic metrics at 10 porsiyento ang alumni score.
Sinuri sa pag-aaral ang mahigit 84,700 academic publications mula sa 229 unibersidad, na may kabuuang 944,000 citations, pati na ang popularidad ng mahigit 1,300 alumni.
Sa antas ng Asya, pumwesto ang UP Diliman sa ika-312, kasunod ang De La Salle University sa ika-400 at Ateneo sa ika-457, habang nanguna ang University of Tokyo, sinundan ng Kyoto University, Tsinghua University, Peking University, at National University of Singapore. RNT