MANILA, Philippines – Umasa ang pamahalaan sa patuloy na pag-aangkat ng coal upang matiyak ang sapat at matatag na suplay ng kuryente sa gitna ng tumitinding krisis sa langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bagama’t layunin ng bansa na unti-unting lumipat sa renewable energy, kinakailangang palakasin ang coal imports upang hindi magkulang ang fuel ng mga power plant.
“We are trying to move away from coal, but because of this crisis we will reopen the importation and buying of coal so that our power plants do not run short of fuel, and to ensure that our power supply remains sufficient,” anang Pangulo.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 40.6 porsiyento ng kuryente sa bansa ang nagmumula sa coal-fired power plants, na pangunahing sinusuplayan ng imported coal—98 porsiyento nito ay mula Indonesia.
Dahil mas mura at mas stable ang coal kumpara sa ibang energy sources, inaasahang mananatili itong mahalagang bahagi ng energy mix kahit may target ang pamahalaan na pataasin ang renewable energy share sa 35 porsiyento pagsapit ng 2030.
Gayunman, inaasahang tataas pa ang demand sa coal sa mga susunod na taon, kung saan tinatayang aabot sa 54 milyong tonelada pagsapit ng 2030, ayon sa International Energy Agency.
Ipinapakita rin ng datos na higit 80 porsiyento ng coal requirement ng bansa ay inaangkat, na nagpapakita ng patuloy na dependency sa imported fuel.
Kasabay nito, naghahanap din ang pamahalaan ng alternatibong pinagkukunan ng langis habang naapektuhan ang global supply chain, kabilang ang pag-secure ng karagdagang fuel reserves at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa para sa supply agreements.
Tiniyak naman ng Pangulo na may sapat na suplay ng enerhiya at pagkain ang bansa, at patuloy ang hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga mamamayan, kabilang ang pagbibigay ng subsidiya sa transport sector at pagsuspinde sa fare hike. RNT