MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mahigpit na pagbabantay sa procurement at hiring sa Department of Education (DepEd) upang matiyak ang agarang paggamit ng pondo at maiwasan ang pagkaantala sa mga proyekto.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, kailangang masusing bantayan ang bawat hakbang sa proseso—mula paglalabas ng pondo hanggang sa implementasyon—at obligahin ang mga ahensya na magsumite ng regular na progress reports upang agad matugunan ang mga problema. “Kailangan ng catch-up dito, kaya ang utos ng Pangulo ay i-monitor nang mabuti, at huwag lubayan sa paghingi ng resulta,” ani Recto.
Binigyang-diin niya na ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng classrooms, guro, at learning materials ay dapat maiproseso nang walang delay. “This historic high spending should not be squandered to slow procurement. What is in the budget must leapfrog to classrooms,” aniya.
Sa ilalim ng 2026 budget, inilaan ang ₱1.345 trilyon para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang pondo para sa mga aklat at instructional materials, pati na ang 121,000 laptops. Iginiit din ni Recto na ang mga pondong nakalaan sa isang fiscal year ay dapat maihatid sa loob ng parehong school year.
Upang mapabilis ang konstruksyon ng mga silid-aralan, nakikipagtulungan na ang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan sa halip na iasa lamang sa DPWH.
Samantala, binigyang-diin din niya na hindi maaaring ipagpaliban ang pagkuha ng mga guro, habang patuloy ding pinapalawak ang pasilidad sa tertiary education para sa mahigit 1.28 milyong estudyante sa state universities. RNT