Home OPINION FIRE HAZARDS SA FOUR-DAY WORK WEEK

FIRE HAZARDS SA FOUR-DAY WORK WEEK

157
0

SA tuwing sasapit ang Fire Prevention Month, mas pinaiigting ng Bureau of Fire Protection ang iba’t-ibang istratehiya at kampanya kontra-sunog sa pamamagitan ng pagbabahagi sa publiko ng tamang edukasyon at importansya ng disiplina. Ginugunita ito hindi dahil lamang sa tag-init kundi dahil na rin sa kasaysayan at mga nakaraang datos na ang pinakamataas na insidente ng sunog sa bansa bunsod ng mas mataas na konsumo ng kuryente at paggamit ng appliances ay nangyayari sa buwan ng Marso.

May dagdag pang hamon sa nararanasan nating krisis sa ngayon tulad ng pagpapatupad ng four-day work week sa ilang tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ipinatupad ito upang makatipid sa enerhiya at mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina sa gitna ng global oil price increases.

Sang-ayon tayo sa ginawa ni PBBM dahil kailangan nga namang proteksyunan ng pamahalaan ang ‘economic impact’ bunsod ng krisis pero kailangang magbantay ang bawat isa sa atin dahil may kaakibat din itong epekto sa fire safety.

Sa compressed schedule ng four-day work week, tuloy-tuloy ang paggamit ng computers, printers, at air conditioning units. Halimbawa, sa isang government office, ang server room o workstation na hindi pinapahinga ay maaaring mag-overheat. Kapag kulang ang maintenance o bentilasyon, pwede itong magdulot ng electrical fire.

Dahil sa mas mahahabang oras ng trabaho, maaaring tumaas ang stress level na magbibigay-daan sa pagkalimot at kamalian. Halimbawa, maaaring makalimutan ng huling umalis na empleyado na patayin ang coffee maker o i-unplug ang extension cord—ito ay maaaring magdulot ng sunog sa gabi.

Sa mga araw na walang pasok, mas maraming oras ang ginugugol sa bahay. Halimbawa nito ang sabay-sabay na paggamit ng aircon, electric fan, at electric/induction stove. Kung may “octopus connection” o luma ang wiring, tumataas ang risk ng short circuit at sunog.

Ang pagluluto sa loob ng bahay gamit ang uling na walang tamang bentilasyon ay hindi lamang delikado sa kalusugan kundi maaari ding pagmulan ng apoy.

Ang four-day work week ay may layuning makatipid at maging episyente, ngunit mayroon din itong kaakibat na mga panganib na kailangang bantayan. Mahahalagang armas ang disiplina, regular inspection, installation ng fire-detectors, fire extinguishers at tumpak na kahandaan—sa bahay man o sa opisina ng pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here