PANGASINAN, Philippines – Sugatan ang isang 18-anyos na lalaki matapos tagain sa mukha ng lalaking nakasagutan ng kanyang kuya sa bayan ng Umingan ng lalawigang ito kagabi.
Ayon sa pulisya, ang biktima at 52-anyos na suspek ay parehong residente ng naturang bayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang 26-anyos na kapatid ng biktima at ang suspek ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa mismong harapan ng bahay ng biktima.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo, bigla umanong pumasok ang suspek sa bahay ng biktima.
Nang makita ang biktima agad itong inundayan ng taga.
Nabatid na tinamaan ang biktima sa bandang kanan ng mukha.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima samantalang arestado naman ang suspek.
Narekober ng mga awtoridad ang itak na ginamit ng suspek. Rolando S. Gamoso