MANILA, Philippines – Sa kauna-unahang pagkakataon, mga OFWs mula sa apat na bansa sa Gitnang Silangan ang sabay-sabay na isasakay sa iisang chartered flight bilang bahagi ng repatriation operations ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan nasa 80 OFWs mula Bahrain at 99 OFWs mula Kuwait ang ligtas nang nakarating sa Riyadh para sa kanilang repatriation ; samantalang ang mga OFWs mula Qatar ay kasalukuyang inaasikaso at ihahatid ng DMW–OWWA team patungo sa Riyadh para sa kanilang repatriation ngayong araw.
Ang kanilang pagdating sa Riyadh ay bahagi ng paghahanda para sa ikaapat na government-chartered flight sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon ng tensyon sa rehiyon.
Kasalukuyang nasa Riyadh ngayon si OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, kasama ang karagdagang mga miyembro ng Rapid Response Team ng OWWA upang pangunahan at tiyaking maayos at ligtas ang repatriation ng mga OFW, alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maihatid sila nang ligtas pabalik sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Pagdating, agad na sinalubong ni Administrator PY Caunan ang mga kababayan na naglakbay mula Kuwait at Bahrain sa tulong ng mga team mula sa Department of Migrant Workers, OWWA, at Philippine Embassies. Ito rin ang ikalawang chartered flight na inorganisa ng OWWA, na nakatakdang lumipad mula Riyadh pauwi ng Pilipinas Lunes para sa mga kababayan mula Kuwait, Qatar, Bahrain, at Saudi Arabia.
Patuloy naman ang team ng pamahalaan sa pagproseso ng dokumento at visa, pag-aasikaso sa land at air transportation, accommodation, at pagtiyak na maayos at ligtas ang bawat hakbang ng pag-uwi ng mga OFW.
Ang pangunahing layunin ng operasyon ng gobyerno sa pamamagitan ng ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga OFW at maihatid sila nang ligtas pabalik sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. (Dave Medina)