MANILA, Philippines – Ipinagpaliban ng ilang transport group ang nakatakdang tigil-pasada ngayong Lunes dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, habang nakatakda silang makipagpulong sa pamahalaan hinggil sa dagdag-pasahe at subsidiya.
Kabilang sa mga nag-defer ng strike ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP).
Sa halip, makikipagpulong sila sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasama ang iba pang grupo, kasabay ng pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga tsuper ng jeepney, UV Express, at TNVS.
“I-focus namin po ‘yan dahil po mismo ang ating pangulo alam niya magkano ang baseline nu’ng tumaas ang ating krudo na umabot na ngayon na mahigit P100 [per liter]. Nagsimula po ‘yan sa P49 [per liter], may P51, hanggang P55. I-atras po namin panandalian [ang transport strike],” ayon kay LTOP president Orlando Marquez.
Ayon naman kay FEJODAP chairman Deo Sotto, may posibilidad umanong maaprubahan ang kanilang hinihinging dagdag-pasahe at subsidiya. “Kasi po binalita po sa amin na baka ibigay na po ‘yung dalawang pisong [dagdag pasahe] hinihiling namin at saka ‘yung P10,000 subsidy,” aniya.
Gayunman, iginiit ng ibang grupo na hindi na sila kumikita sa kasalukuyang presyo ng krudo.
“Sa modern [jeepney] natin, pumapalo ito ng P74,000 sa 21 units na modern. So hindi na talaga kami kikita. Kaya minabuti namin na tumigil muna. At least ma-save namin ‘yung isang araw. And then ngayon, operation kami pero reduced na ‘yung units natin,” pahayag ni Misael Melinas, presidente ng Juan Transport Services Cooperative.
Sa ilang lugar, apektado na ang operasyon ng transportasyon, kabilang ang halos 80% ng mga tricycle driver sa Casiguran, Aurora na pansamantalang tumigil, at pagbawas ng biyahe ng ilang jeepney sa Mangaldan, Pangasinan. May ilan ding gasolinahan ang pansamantalang nagsara.
Batay sa mga source sa oil industry, inaasahang tataas pa ang presyo ng diesel ng P16 hanggang P18 kada litro at gasolina ng P9 hanggang P11 sa susunod na linggo. Sa Quezon City, umabot sa mahahabang pila ang mga motorista sa mga gasolinahan kung saan mas mababa ang presyo, tulad ng P74 kada litro ng gasolina at lampas P101 para sa diesel, habang sa Pasay City ay umaabot sa P120 ang premium diesel at P99.50 ang gasolina.
Inaasahan namang magsisimula ang Department of Social Welfare and Development sa pamamahagi ng cash assistance sa mga tsuper ngayong Miyerkules, bukod pa sa fuel subsidy mula sa DOTr. Santi Celario