Home OPINION BSKE POSTPONEMENT: DELIKADO SA 2028?

BSKE POSTPONEMENT: DELIKADO SA 2028?

2
0

DAHIL sa minadaling batas na RA 12326, ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ay gaganapin na sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, sa halip na Nobyembre 2, 2026.

Ilang petisyon na ang inihain sa Korte Suprema upang pigilan ang postponement at ideklarang unconstitutional ang nasabing batas.

Depensa ng pamahalaan, kapangyarihan ng Kongreso ang pagtatakda ng termino ng barangay at SK officials, at incidental lamang ang extension at postponement. Pero ang tanong, bakit kailangang ipagpaliban ang halalan kung maaari namang itakda ang termino nang hindi ito ipinagpapaliban?

Ang pag-asa ngayon ay nasa Korte Suprema.

May mga nangangamba tuloy kung matutuloy ang 2028 presidential elections. Sa panahon ngayon na madaling baluktutin ng mga mambabatas ang Saligang Batas, hindi malayong gamitin din ang parehong pormula sa halalan ng pangulo at bise presidente.

Paano nila ito magagawa nang hindi inaamyendahan ang Konstitusyon?

Sa Article VII, Section 4, ikatlong talata, nakasaad na, unless otherwise provided by law, ang regular na halalan para sa pangulo at bise presidente ay gaganapin sa ikalawang Lunes ng Mayo. Ibig sabihin, maaaring magpasa ang Kongreso ng batas upang baguhin ang petsa ng halalan, kung ito ay magiging naaayon sa Konstitusyon.

Ngunit anim na taon lamang ang termino ng pangulo at bise presidente. Dito nagiging delikado ang argumento na incidental lamang ang extension ng termino dahil binago ang petsa ng halalan.

Maaaring gamitin ng mga mambabatas ang ganitong pangangatwiran upang bigyang-katwiran ang pagpapalawig ng termino. Sa ganitong senaryo, mahalaga rin ang magiging kapalaran ni Vice President Sara Duterte at ang posibleng epekto nito sa susunod na halalan, kabilang ang papel ni Mayor Baste Duterte.

Kaya napakahalaga ng magiging hatol ng Korte Suprema sa BSKE postponement. Hindi lamang ito usapin ng petsa ng halalan, kundi ng paggalang sa Saligang Batas at pagpigil sa anomang pagtatangkang manipulahin ang demokratikong proseso.

Dapat tandaan ng pamahalaan, may hangganan ang pasensya ng taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here