Home OPINION PBBM, GISING! MALAPIT NA 2028

PBBM, GISING! MALAPIT NA 2028

2
0

HINDI na dapat ipagkibit-balikat ng Malacañang ang patuloy na paghina ng tiwala ng taumbayan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations sa ikatlong bahagi ng 2026, bumaba sa 34% ang kanyang trust rating mula sa 35% noong nakaraang quarter.

Mas mabigat ang katotohanang 46% ang hindi nasisiyahan sa kanyang pamumuno, habang 35% lamang ang kuntento at 20% ang hindi nakatitiyak. Ang net satisfaction rating ay nananatiling nasa kategoryang “poor.”

Hindi ito simpleng pagbaba ng isang porsiyento. Isa itong babala na lalong lumalawak ang agwat sa pagitan ng administrasyon at mamamayan.

Nakaiinis lang na sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga problemang direktang nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino tulad ng mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng kabuhayan, trabaho at serbisyong publiko ay tila patuloy na nauubos ang enerhiya ng pamahalaan sa bangayang pampulitika.

Kung patuloy na makikipagbakbakan si Marcos kay Vice President Sara Duterte, dapat niyang pag-isipan kung sino ang tunay na nakikinabang sa kanilang tunggalian. Hindi awtomatikong lumalakas ang Pangulo sa paghina ng kanyang kalaban.

Maaari pa ngang lalo siyang mawalan ng suporta kung patuloy na makikita ng publiko na mas mahalaga sa pinakaulo ng bansa ang pulitika kaysa kapakanan ng bayan.

Malinaw ang panganib sa karera ng Pangulo sa pagsapit ng 2028. Kapag ipinagpatuloy ni Marcos ang pakikipag-away kay VP Sara habang napababayaan ang mga suliranin ng bansa, maaari niyang tuluyang ibaon ang sariling pampulitikang karera.

Ang halalan ay hindi gantimpala sa pinakamalakas mang-atake, kundi pasya ng mga botanteng may sariling alaala at paghuhusga.

BBM, panahon nang gumising. Hindi sapat ang apelyido, kapangyarihan o makinarya. Kung hindi mo mababawi ang tiwala ng publiko, maaaring 2028 ang maging pinakamapait na hatol sa iyong pamumuno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here