MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang isang Malaysian na babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makumpiskahan ng mahigit 15 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P102 milyon.
Nadiskubre ang ilegal na droga bandang alas-12:47 ng madaling araw sa Arrival Lobby Custom X-ray area ng NAIA Terminal 1, kung saan narekober ang 15,024 gramo ng hinihinalang shabu mula sa suspek.
Nahaharap siya ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165, habang patuloy ang imbestigasyon sa posibleng koneksyon nito sa mas malalaking drug network.
Pinuri ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga awtoridad. “We will not allow our gateways to be used for illegal drugs, and we will continue to strengthen our vigilance,” aniya.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at Aviation Security Unit ng PNP Aviation Security Group.
Samantala, tatlong high-value individuals, kabilang ang isang police corporal, ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Bicol kung saan nasamsam ang higit P2 milyong halaga ng ilegal na droga. Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang naturang pulis matapos makumpiskahan ng 16.8 gramo ng hinihinalang shabu sa Baao, Camarines Sur.
Sa hiwalay na operasyon sa Minalabac, dalawang suspek ang nadakip at narekober mula sa kanila ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2.04 milyon.
Ayon kay Bicol regional director Brig. Gen. Erosito Miranda, tuloy-tuloy at walang pinipiling operasyon laban sa ilegal na droga.
“Operations against illegal drugs are continuous and uncompromising. No one is above the law. Any PNP personnel who violates the law, regardless of rank, will be held accountable,” aniya. Dave Baluyot