MANILA, Philippines – Umabot sa 64 katao ang nasawi at 89 ang sugatan matapos tamaan ng pag-atake ang isang pasilidad pangkalusugan sa Sudan, ayon sa World Health Organization (WHO).
Nauna nang nagpahayag ng pagkabigla ang United Nations humanitarian office sa insidente sa East Darfur, na iniulat na kumitil ng buhay ng maraming sibilyan kabilang ang mga bata. Ayon sa grupong Emergency Lawyers, isang army drone strike ang tumama sa El-Daein Teaching Hospital.
Bagama’t kinumpirma ng WHO ang insidente bilang bahagi ng kanilang monitoring sa mga pag-atake sa health facilities, hindi ito nagtuturo ng responsable dahil hindi ito isang investigative body. Nabatid na ang pag-atake ay gumamit ng mabibigat na armas at nakaapekto sa pasilidad, mga pasyente, health workers, at suplay medikal.
Patuloy ang tensyon sa Sudan kung saan kontrolado ng Rapid Support Forces (RSF) ang Darfur habang hawak naman ng militar ang silangan, gitna, at hilagang bahagi ng bansa. Madalas umanong target ng air strikes ang El-Daein, kabilang ang kamakailang pag-atake sa palengke na nagdulot ng sunog.
Ayon sa United Nations, naging karaniwan na ang halos araw-araw na drone strikes sa bansa na nagdudulot ng malawakang pinsala at pagkasawi ng mga sibilyan. Sinabi ni UN rights chief Volker Turk na “appalled” siya sa ulat na mahigit 200 sibilyan ang napatay sa loob lamang ng walong araw dahil sa ganitong mga pag-atake.
Sa kabuuan, higit 1,800 katao na ang nasawi sa mga pag-atake sa health facilities mula nang magsimula ang digmaan, kabilang ang 173 health workers. Ngayong taon pa lamang, naitala na ang 12 pag-atake na nagresulta sa 178 pagkamatay at 237 sugatan.
Dahil sa patuloy na labanan, umabot na sa milyon-milyon ang lumikas sa kanilang mga tahanan, habang higit 33 milyong katao ang nangangailangan ng tulong makatao sa gitna ng lumalalang krisis sa Sudan.