SA patuloy na paglabas ng pangalan ni Martin Romualdez sa iba’t ibang testimonya at dokumento kaugnay ng flood control project anomalies, kapansin-pansin ang pagiging maingat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa bawat pahayag kapag tungkol sa dating House Speaker.
Malinaw ang pagkakaiba ng kanyang approach depende sa taong sangkot. Sa ilang senador, mabilis ang kanyang aksyon. Diretsahan ang pagbanggit ng pangalan sa media at may kasamang babala ng posibleng kaso. Pero kapag si Romualdez na ang pinag-uusapan, nagiging mas teknikal ang tono. Madalas banggitin ang kawalan umano ng paper trail, kakulangan ng direktang ebidensya, at posibilidad na negligence lang ang usapin.
Dito pumapasok ang tanong. Pare-pareho lang naman ang pinanggagalingan ng impormasyon. Mga affidavit, testimonya, at insider accounts. Kung sapat ang mga ito para umusad ang kaso laban sa iba, bakit tila hindi pa ito sapat para tutukan nang mas mabigat ang isang pangalan na paulit-ulit lumilitaw?
Dagdag pa rito ang pagpasok ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, na kaalyado ng pamilya Romualdez, na nagsabing wala raw liability ang dating Speaker base sa ICI findings. Problema, hindi pa inilalabas sa publiko ang naturang report at naisumite pa lamang ito sa Ombudsman. Hindi rin malinaw kung paano ito nakuha ni Acidre.
Kaya hindi maiwasan ang tanong. Paano nagkaroon ng access ang isang kaalyado sa isang sensitibong dokumento? Bakit mas nauuna pa ang depensa kaysa sa opisyal na linya ng mga imbestigador?
Habang lumalalim ang usapin, may mga testigong nag-uugnay kay Romualdez sa galaw ng pondo, kabilang ang cash deliveries at impluwensya sa budget allocation. Pero sa kabila nito, tila nasa gilid pa rin siya ng imbestigasyon.
Mas nagiging kahinahinala ang sitwasyon nang aminin ni Remulla na nakausap niya si Romualdez na fraternity brod niya ito sa UP Upsilon Sigma Phi. Kahit sabihin hindi dapat makaapekto, hindi ito nakatutulong sa persepsyon ng tao.
Kung seryoso ang laban kontra korapsyon, dapat pare-pareho ang standard. Hindi dapat nag-iiba ang tapang depende sa pangalan.






