MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Education (DepEd) nitong Martes ang plano nitong ipatupad ang three-term school calendar simula School Year 2026–2027, sa kabila ng tumitinding batikos mula sa mga grupo ng guro.
Ayon sa DepEd, layunin ng reporma na tiyakin ang tuloy-tuloy na pagkatuto at mabawasan ang pagkaantala sa klase. Ipinunto nito na sa School Year 2023–2024, umabot sa 53 sa kabuuang 180 araw ng pasok ang nawala dahil sa masamang panahon at non-instructional activities, na nagresulta sa compressed lessons at nabawasang learning time.
Sa ilalim ng bagong sistema, hahatiin ang school year sa mga istrukturadong termino na may opening period para sa assessments at paghahanda, mas mahahabang tuloy-tuloy na instructional phases, at end-of-term periods para sa remediation, enrichment, at teacher development.
Sinabi ng ahensya na layunin din ng pagbabago na magkaroon ng mas maayos at predictable na daloy ng pagtuturo, habang nagbibigay ng oras para sa administrative tasks at wellness activities upang mabawasan ang teacher burnout.
Binigyang-diin ng DepEd na ang polisiya ay nabuo sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga guro, school leaders, learners, magulang, at iba pang stakeholder mula sa pampubliko at pribadong sektor, sa pamamagitan ng nationwide orientation cascade.
Gayunman, tinutulan ito ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, na tinawag ang reporma bilang “superficial” at hindi umano tinutugunan ang mga sistemikong problema tulad ng kakulangan sa silid-aralan, guro, at learning resources.
Nagbabala ang grupo na maaari nitong dagdagan ang pasanin ng mga guro na kailangang mag-adjust sa curriculum, assessment systems, at teaching materials nang walang sapat na paghahanda o suporta.
Iginiit din ng ACT na nalilihis ang atensyon mula sa mas mahahalagang isyu tulad ng mababang sahod, tumataas na cost of living, at pangangailangan ng dagdag na pondo at benepisyo para sa mga guro.
Para sa DepEd, bahagi ang three-term calendar ng mas malawak na reporma, kabilang ang pagtatayo ng mga silid-aralan, pagpapalawak ng school feeding programs, pagpapalakas ng literacy interventions, at pagpapabuti ng access sa learning resources.
Habang papalapit ang implementasyon, sinabi ng ahensya na magpapatuloy ito sa pangangalap ng feedback at pagmamanman sa rollout upang matiyak ang maayos na pagpapatupad. Santi Celario