MANILA, Philippines – Nakatakdang muling sumirit ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, kung saan inaasahang aabot sa P134.30 kada litro ang diesel at P112.40 kada litro ang gasolina, kasabay ng ikatlong sunod na linggo ng malalaking oil price hike dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa datos ng Department of Energy (DOE), saklaw ng inaasahang pagtaas ang Marso 24 hanggang 30, 2026, kasunod ng mga ipinatupad nang dagdag-presyo ng mga kumpanya ng langis nitong Martes.
Nagpatupad ang Jetti Petroleum ng dagdag na P8.00 kada litro sa gasolina at P18.00 kada litro sa diesel epektibo alas-6 ng umaga ng Marso 24. Sumunod ang Petron na nagtaas ng P10.50 sa gasolina, P17.50 sa diesel, at P21.50 sa kerosene sa parehong oras.
Samantala, nagpatupad ang Cleanfuel ng staggered increase na P8.40 kada litro sa diesel at one-time increase na P9.40 kada litro sa gasolina epektibo alas-8:01 ng umaga.
“The increase is still attributed to ongoing conflict in the Middle East,” ayon kay Energy Secretary Sharon Garin sa isang virtual press briefing. Dave Baluyot