MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang isinusulong na pag-amyenda sa memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at China Coast Guard (CCG) ay hindi sumasaklaw sa “sensitive operational areas,” kabilang ang joint patrols.
Sa pahayag, sinabi ng DFA na ang mga iminungkahing pagbabago ay “focused on re-establishing the Joint Coast Guard Committee on Maritime Cooperation” na unang itinatag sa ilalim ng kasunduan noong 2016, na nagsisilbing pormal na daluyan ng komunikasyon ng dalawang coast guard.
“The MOU does not contemplate cooperation in sensitive operational areas, joint patrols foremost among them,” ayon sa DFA, at iginiit na ang “proposed amendments are limited in scope.”
Naglabas ng paglilinaw ang ahensya kasunod ng mga komentaryo ng publiko hinggil sa usapin, at binanggit na nagpapatuloy ang negosasyon upang i-update ang MOU mula pa noong 2024.
Ayon sa DFA, ang mga talakayan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin ang bukas na linya ng komunikasyon sa China “even as the Philippines firmly upholds its sovereignty, sovereign rights and jurisdiction under international law.”
Idinagdag ng ahensya na ang negosasyon ay isinasagawa sa pamamagitan ng tamang diplomatic channels at hindi lamang nakatuon sa bilateral consultation mechanism (BCM) meetings.
“They have been duly reported to, and are known by, all relevant principals – including the National Security Adviser in his capacity as NTF-WPS Chair, the Secretary of Foreign Affairs, and the PCG Commandant,” ayon sa DFA.
Binigyang-diin din ng ahensya na “engagement and vigilance are complementary, not contradictory,” at patuloy na isusulong ng Pilipinas ang praktikal na maritime cooperation habang pinangangalagaan ang pambansang interes. Dave Baluyot