MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na nakalatag na ang kanilang security plan sa nalalapit na Semana Santa at Summer Vacation 2026 at aabot sa 2,000 pulis ang kanilang ipapakalat sa mga pangunahin lugar ng lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero at publiko.
Ayon kay PCOL. Julius Sagandoy, CDDS QC Police District upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at biyahero nagpakalat ng mga pulis ang QC sa mga pangunahing lugar gaya ng bus terminal, mall, intersection at mga terminal ng public utility vehicle para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sa ginanap na QC Journalist Forum sinabi ni PCOL Sagandoy na katuwang mga tauhan ng DPOS, at QC government naglatag na ng kanilang security plan ang mga pulis upang maiwasan ang mga magsasamantala ngayong panahon ng Holy Week na mag-uuwian ang publiko sa kanilang mga probinsya.
“Aabot sa 2,000 pulis ang ating ide-deploy sa mga pangunahin lugar ng Quezon City upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan,” sabi ni PCOL Sagandoy.
Nabatid pa sa opisyal ng QC police na bukod sa mga bus terminal at mall ay babantayan din ng mga pulis ang mga komunidad at mga subdivision sa lungsod katuwang mga Barangay Official at QC government upang bantayan ang mga nagnanais magsamantala ngayon panahon.
“Narito lang po ang ating mga pulis at handang umasiste sa ating mga kababayan ano man oras” sabi pa ni PCOL. Sagandoy.
Sinabi pa ng QC police na inaasahan magsisimula ang dagsa ng mga biyahero ngayong Marso 29 upang mag-uwian sa kanilang mga probinsya.
Samantala kaugnay nito sinabi naman ni Dexter Cardenas head ng QC Traffic Transport Management Department karamihan sa mga may-ari ng mga private vehicle ay hindi na gumagamit ng kanilang mga pribadong sasakyan dahil sa mahal ng presyo ng gasolina at produktong petrolyo.
Ayon pa kay Cardenas ilan sa mga may-ari ng pribadong sasakyan ay gumagamit na ng pampublikong sasakyan partikular ang mga libreng sakay ng QC government. Santi Celario