Home METRO Gunman sa pagpatay sa retiradong pulis-Maynila at security aide ni Isko, naaresto...

Gunman sa pagpatay sa retiradong pulis-Maynila at security aide ni Isko, naaresto na

172
0

MANILA, Philippines – IPRINISINTA ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pangunahing suspek sa pamamaril at pagnanakaw sa isang retiradong pulis Maynila makaraang maaresto sa isinagawang tuloy-tuloy na manhunt operation ng pulisya laban dito, nitong Martes ng hapon, Marso 24, 2026.

Kinilala ang suspek na si Albert Magdaraog y Trinidad, 27 anyos, na naaresto bandang alas-5:00 ng madaling araw sa loob ng isang lodging house sa San Pedro, Laguna, matapos ang sunod-sunod na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang lalawigan.

Ayon sa alkalde, positibong kinilala si Magdaraog bilang salarin batay sa CCTV footage at sa salaysay ng driver-suspect na si Liegem Bulalacao Young, na kilala rin sa alyas na “Biboy.”

“Ngayon, masasabi natin na naibigay na ang hustisya sa pamilya ni Capistrano,” ani Domagoso sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream habang ipinapakita sa publiko ang suspek.

Dagdag pa ng alkalde, nadakip si Magdaraog sa White Diamond Inn sa San Pedro, Laguna, sa tulong na rin ng impormasyong ibinigay ng publiko.

Ayon sa mga awtoridad, nagresulta ang pagkakaaresto sa masusing koordinasyon ng Manila Police District (MPD) at sa mga ulat mula sa mga sibilyan na nakakita sa galaw ng suspek habang palipat-lipat ito sa Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Rizal, at kalaunan ay sa Laguna.

“Paikot-ikot sa iba’t ibang lugar—Nueva Ecija, Cabanatuan, Arayat, San Mateo—kung saan-saan nagpunta,” ani Domagoso, sabay pasasalamat sa mga mamamayan na nagbigay ng impormasyon.

Sa presentasyon, inamin umano ni Magdaraog na siya ang bumaril kay Capistrano at dalawang beses itong pinaputukan noong insidente ng robbery-holdup noong Marso 14 sa Tondo.

Batay sa imbestigasyon, naaresto ang suspek sa bisa ng umiiral na warrant of arrest para sa kasong robbery na inilabas ng korte sa Baguio. Inaasahan ding sasampahan siya ng karagdagang kaso, kabilang ang paglabag sa Republic Act 10591.

Nasakote rin ang umano’y kasabwat na si Ma. Cristina Anduyan, 23 anyos, na haharap sa kasong obstruction of justice matapos umanong tulungan ang suspek habang ito ay nagtatago.

Narekober mula kay Magdaraog ang isang .40 caliber na baril na may lamang magazine, na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Binigyang-diin ni Domagoso ang mahalagang papel ng publiko sa pagkakaresolba ng kaso.

“Ang nagbibigay ng impormasyon sa ating kapulisan ay ang taong bayan. Maraming salamat po sa inyo,” aniya.

Samantala, umasa ang alkalde na nakamit na ng pamilya ni Capistrano ang hustisya sa pagkakaaresto sa suspek.

Ang pagpatay kay Capistrano noong Marso 14—isang retiradong pulis at dating miyembro ng security detail ng alkalde—ay nagbunsod ng pinaigting na operasyon ng pulisya at alok na ₱500,000 pabuya, na kalaunan ay humantong sa pagkakadakip ng umano’y gunman. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here