Home OPINION SUPLAY NG KRUDO, PETROLYO DELIKADO

SUPLAY NG KRUDO, PETROLYO DELIKADO

212
0

DAPAT gumawa talaga ang Pilipinas ng paraan para magkaroon ng krudo, liquified natural gas at mga produktong petrolyong diesel, gasolina, kerosene, liquified petroleum gas, aviation fuel, bunker fuel at iba pa mula sa ibang bansa dahil wala tayong produktong ganito.

Ito’y dahil walang nakaaalam kung kailan magwawakas ang digmaan sa Middle East at sinasabing matagal bago magkaroon talaga ng suplay dahil aabutin ng mga buwan hanggang limang taon ang mga pasilidad na nasisira ngayon dahil sa digmaan.

Tanging ang natural gas mula sa Malampaya, Palawan na nagpapaandar sa mga planta ng kuryente sa Batangas ang meron tayo ngunit malapit na ring maubos ito sa 2027, kaya kailangan nating magkaroon ng liquified natural gas bilang pamalit sa Malampaya natural gas.

Alalahaning 97 porsyento tayong importer ng krudo at mga produktong petrolyo at hindi tayo nakatitiyak na ang reserba ng mga kompanya ng langis sa krudo at produktong petrolyo sa Pinas ay totoong magtatagal sa loob ng dalawang buwan.

Sa katunayan, mga Bro, pinapayagan na ng ating gobyerno ang paggamit ng mga petrolyo na Euro 2 na marumi at mausok at hindi na lang Euro 4 na malinis bilang dagdag reserba o gamit ng mga sasakyan at generator.

Masaklap pa, may 403 nang gasolinahan ang nagsara sa iba’t ibang bahagi ng bansa at tiyak na madagdagan pa ang bilang ng mga ito habang nagtatagal ang digmaan sa Middle East.

SUPLAY TALAGANG DELIKADO

Binawi ni United States President Donald Trump ang ultimatum nitong 48 oras na pagbubukas ng Iran sa Strait of Hormuz na pinagmulan ng krisis sa langis at kung hindi, bobombahin nito ang lahat ng pasilidad ng Iran para tuluyan na itong malumpo.

Dapat nagtapos ang ultimatum kahapon ng umaga ngunit binawi nito at pinalawig ng limang araw.

Rason ni Trump, nakikipag-usap na umano ang Iran at gustong magkasama ang US at Iran sa paghawak sa Strait of Hormuz.

Makaraang bitiwan ni Trump ang pahayag na may pag-uusap na, sa loob lamang ng 20 minuto, mariing ipinahayag ng Iran sa pamamagitan ng mga media nito na walang direkta o hindi direkta na pag-uusap.

Nagbanta pa ang Iran na kung totohanin ni Trump ang banta nitong wawasakin lahat ang balon at pasilidad ng krudo at liquified natural gas ng Iran, lahat na ng kaparehong pasilidad sa Saudi Arabia, Qatar, United Arab Emirates, Bahrain, Kuwat at Oman ay wawasakin din nito.

Kasama na rin ang lahat ng desalinization plant o kumberter ng tubig-alat mula sa Persion Gulf para maging tubig-inumin, panlinis at pambuhay sa lahat ng halaman at pagkain, paggawa ng mga gamot, gamit sa mga ospital at iba pa, bagama’t binawi naman makaraan.

MAS MAGANDA KAYSA MAWALAN

Ayon sa pamahalaan mismo, inatasan na nito ang lahat ng ambassador natin at mga kompanyang langis na tumulong sa paghahanap ng suplay ng krudo, natural gas at produktong petrolyo.

Mas maganda nang meron tayo ng mga ito kaysa mawalan at sana makontrol na rin ang pagsasamantala ng mga kompanya ng langis sa pagpepresyo ng kanilang mga produkto sa ngalan ng Oil Deregulation Law.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here