ISLAMABAD/JERUSALEM — Inihayag ni US President Donald Trump noong Martes na may progreso sa pagsisikap ng Estados Unidos na makipagkasundo sa Iran upang wakasan ang digmaan, kasabay ng pagkumpirma ng isang source na nagpadala ang Washington ng 15-point settlement proposal sa Tehran.
Ayon kay Trump, nakikipag-usap ang US sa “the right people” sa Iran at nais umano ng Tehran na makamit ang isang kasunduan. “We’re in negotiations right now,” aniya.
Itinanggi naman ng Iran ang umano’y direktang usapan, kung saan tinawag ng parliament speaker na si Mohammad Baqer Qalibaf ang ulat bilang “fake news.”
Batay sa ulat ng The New York Times at Israeli media, kabilang sa panukala ng US ang isang buwang ceasefire upang talakayin ang kasunduan, pati ang pagbuwag sa nuclear program ng Iran, pagtigil sa suporta sa proxy groups, at muling pagbubukas ng Strait of Hormuz. Kinumpirma ng isang source na naipadala ang plano ngunit walang ibinigay na detalye.
Sinabi rin ni Trump na nagbigay ang Iran ng mahalagang konsesyon kaugnay ng non-nuclear energy at Strait of Hormuz, na tinawag niyang “a very big present, worth a tremendous amount of money,” at “a very nice thing they did.”
Nauna nang ipinaalam ng Iran sa United Nations Security Council at International Maritime Organization na maaaring dumaan ang “non-hostile vessels” sa Strait of Hormuz kung makikipag-ugnayan sa kanilang awtoridad. Ang naturang daluyan, na dinadaanan ng halos 20% ng suplay ng langis sa mundo, ay halos isinara matapos ang mga pag-atake ng US at Israel apat na linggo na ang nakalipas, na nagdulot ng matinding epekto sa suplay ng enerhiya.
Sa kabila ng mga usaping diplomatiko, nagpapatuloy ang mga pag-atake ng US, Israel, at Iran. Ayon sa dalawang source, nakatakdang magpadala ang US ng libu-libong sundalo mula sa 82nd Airborne Division, dagdag sa 50,000 tropang Amerikano na nasa rehiyon na.
Nag-alok naman ang Pakistan na magsilbing tagapamagitan, kung saan sinabi ni Prime Minister Shehbaz Sharif na handa ang kanilang bansa na mag-host ng “meaningful and conclusive talks for a comprehensive settlement.” Ayon sa isang source, nasa advanced stage na ang usapan at posibleng maganap sa loob ng isang linggo.
Sumiklab ang labanan matapos magsagawa ng pag-atake ang US at Israel sa Iran noong Pebrero 28 dahil umano sa kakulangan ng progreso sa negosasyon hinggil sa nuclear program ng Tehran, sa kabila ng ulat ng mediator na Oman na may nakamit nang pag-usad sa usapan. RNT