Home HOME BANNER STORY Impeachment case hearing vs VP Sara, umarangkada na sa Kamara

Impeachment case hearing vs VP Sara, umarangkada na sa Kamara

151
0

MANILA, Philippines — Sinimulan ng House Committee on Justice nitong Miyerkules ang pagdinig sa mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos itong mapatunayang sapat sa porma, substansya, at batayan.

Ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, ang proseso ay katulad ng preliminary investigation kung saan maaaring magprisinta ng ebidensya at mga testigo ang parehong panig.

Uunahin ng komite ang pagresolba sa mga nakabinbing mosyon, kabilang ang pag-subpoena sa bank records, Statements of Assets and Liabilities and Net Worth (SALNs), tax returns, at iba pang financial documents ni Duterte, pati ang mga ulat ng House inquiry at Commission on Audit (COA). May mosyon din na ilagay sa protective custody si Ramil Madriaga, na sinasabing bagman ng Bise Presidente.

Nakasaad sa mga reklamo na nagkasala umano si Duterte ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution, kaugnay ng umano’y pagbabanta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang pamilya, maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, hindi pagdedeklara ng ari-arian, at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Sa kanyang tugon, hiniling ng kampo ni Duterte na ibasura ang mga reklamo, iginiit na hindi ito maituturing na impeachable offenses. “The impeachment complaints brazenly accuse the Vice President of entering into a supposed ‘contract to kill’ yet they fail to present any shred of proof that any such contract ever existed,” ayon sa kanilang sagot.

Iginiit din ng kanyang kampo na ang Notice of Disallowance ng COA sa P73 milyong confidential funds ay nasa ilalim pa ng apela, at pinabulaanan ang alegasyon kaugnay kay Madriaga, na umano’y nagsisinungaling at kinasuhan na ng perjury. “All told, there is nothing in the impeachment complaints that demonstrates any ultimate facts pointing to a coherent, credible account or narration of any impeachable conduct,” dagdag sa pahayag.

Hindi dadalo si Duterte sa unang pagdinig, ayon sa kanyang abogado na si Michael Poa, ngunit sinabi ng komite na magpapatuloy ang hearing.

Itinakda ni Luistro ang susunod na mga pagdinig sa Abril 14, 22, at 29. Matapos ang presentasyon ng ebidensya, boboto ang komite kung may probable cause. Kapag ito ay pinagtibay, dadalhin ang kaso sa plenaryo ng Kamara at kapag nakakuha ng hindi bababa sa isang-katlong boto, iaakyat ito sa Senado para sa paglilitis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here