TACLOBAN CITY — Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Eastern Visayas laban sa paniningil ng sobra sa pasahe, at muling iginiit na walang aprubadong fare hike sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Veronica Reposar, LTFRB regional information officer, papatawan ng parusa ang mga driver at operator na maniningil nang lampas sa itinakdang pasahe, at nananatiling ipinatutupad ang diskwento para sa mga estudyante at senior citizen.
“There is no authority coming from our office for a fare increase, and the granting of discounts for students and senior citizens remains,” ani Reposar sa isang panayam sa radyo.
Alinsunod ito sa naunang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag munang magpatupad ng taas-pasahe sa gitna ng pagmahal ng langis dulot ng tensyon sa Middle East. Sa halip, nagbibigay ang pamahalaan ng cash subsidy sa mga driver ng public utility vehicles.
Hinimok din ni Reposar ang mga commuter na ireport ang mga driver o operator na lalabag sa umiiral na pasahe.
Sa Tacloban City, sinabi ni Mayor Alfred Romualdez na susunod ang lokal na pamahalaan sa magiging desisyon ng pambansang gobyerno hinggil sa fare adjustments. Nasa pagitan ng P16 hanggang P25 ang kasalukuyang pasahe sa jeepney, na nananatiling pangunahing transportasyon ng mga biyaherong mula sa labas ng lungsod.
Tiniyak din ni Romualdez na walang gasoline station sa lungsod ang tumigil sa operasyon sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis, ngunit nanawagan siya sa publiko na ireport ang anumang overpricing.
Lumagpas na sa P100 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa lungsod, na lalong nagpapabigat sa mga driver at commuter. Mary Anne Sapico