Home HOME BANNER STORY Mga hakbang ng gobyerno inilatag sa state of national energy emergency; ayuda,...

Mga hakbang ng gobyerno inilatag sa state of national energy emergency; ayuda, subsidy at price control tututukan

238
0

MANILA, Philippines — Inatasan ng pamahalaan ang iba’t ibang sangay ng gobyerno na agad kumilos kasunod ng deklarasyon ng state of national energy emergency upang matugunan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa suplay at presyo ng enerhiya sa bansa.

Sa ilalim ng Executive Order, pinangunahan ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) bilang isang “whole-of-government response framework” upang tiyakin ang tuloy-tuloy na serbisyo, katatagan ng suplay, at proteksyon sa mga mamamayan, lalo na ang mga vulnerable sector.

Inatasan ang Department of Energy (DOE) na pangunahan ang pagpapatupad ng fuel at energy optimization plans, energy conservation measures, at aksyon laban sa hoarding, profiteering, at supply manipulation. Pinahintulutan din ang DOE, Philippine National Oil Company (PNOC), at PNOC Exploration Corporation na magsagawa ng procurement ng fuel at, kung kinakailangan, magbigay ng advance payment upang matiyak ang sapat na suplay.

Sa transport sector, inatasan ang Department of Transportation (DOTr) na maglatag ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis, kabilang ang fuel subsidy sa mga operator, fare subsidy sa mga pasahero, pagpapalawak ng Libreng Sakay Program, pagpapahaba ng operating hours ng LRT at MRT, at pagrepaso sa posibleng suspensyon o pagbaba ng toll at iba pang bayarin.

Inatasan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pabilisin ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at magbigay ng social welfare at livelihood support sa mga apektadong sektor tulad ng transport workers, magsasaka, mangingisda, displaced workers, at OFWs.

Sa sektor ng agrikultura, inatasan ang Department of Agriculture (DA) na tiyakin ang sapat at abot-kayang suplay ng pagkain at agricultural inputs, kabilang ang pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) at paggamit ng Quick Response Fund.

Inatasan din ang Department of Migrant Workers na palakasin ang monitoring, rescue, evacuation, at repatriation mechanisms para sa mga OFW, pati ang pagpapalabas ng tulong sa ilalim ng AKSYON Fund.

Samantala, inatasan ang Department of Trade and Industry (DTI) na bantayan at kontrolin ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at magpatupad ng suporta sa micro, small, and medium enterprises.

Hinikayat din ang mga Local Government Units (LGUs) na suportahan ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga hakbang sa kani-kanilang lugar at paglalaan ng pondo at tauhan upang mapagaan ang epekto ng krisis.

Ang deklarasyon ng national energy emergency ay mananatiling epektibo sa loob ng isang taon maliban kung babawiin o palalawigin ng Pangulo. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here