Home NATIONWIDE National energy emergency, suportado nina Hontiveros, Legarda

National energy emergency, suportado nina Hontiveros, Legarda

139
0

MANILA, Philippines – Kapwa sinuportahan nina Senador Risa Hontiveros at Loren Legarda ang pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng national energy emergency sa pag-amin na hindi ito “business as usual.”

Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni Hontiveros na  bagamat papunta sa tamang direksyon, malinaw rin na kukulangin ang EO kung wala namang sapat at agarang ayuda na mararamdaman ang ating mga kababayan.

Aniya, kaya kaisa ng pamahalaan, gagawin natin lahat ng paraan para mabawasan ang pasanin ng mamamayan.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Hontiveros na dapat nang suportahan ng Malakanyang ang nakahain nang ₱52.8 billion supplemental budget bill para sa oil crisis response. “Para yan sa assistance programs, gaya ng expanded transport subsidy sa mga tsuper, agricultural subsidy para sa magsasaka at mangingisda, at repatriation at reintegration para sa mapapauwing OFWs.”

“At kung seryoso ang pamahalaan sa laban kontra hoarding, profiteering, at supply manipulation, dapat may managot. Kung may nananamantala sa gitna ng krisis, dapat silang kasuhan at ikulong,” ani Hontiveros.

Sinabi pa ng senador na partikular na dapat bantayan ang profiteering at manipulasyon sa presyo sa hanay ng power plant operators, lalo na ngayong naka-amba na ang taas singil sa kuryente.

“Hindi sapat ang pag-amin na may krisis. Dapat itong sundan ng sama-samang pagkilos ng buong pamahalaan. Lahat ng ahensya, anuman ang mandato ay dapat mag-ambag,” ayon sa mambabatas.

Malugod na tinanggap naman ni Legarda ang deklarasyon ng state of national energy emergency.

Aniya, “mahalaga ang hakbang na ito sapagkat kinikilala na ng pamahalaan ang matagal nang sigaw ng taumbayan nitong mga nakaraang linggo: na tayo ay nasa gitna na ng isang krisis.”

“Ngunit ang deklarasyon lamang ay hindi sapat upang maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino laban sa tumataas na presyo ng langis, mas mahal na pagkain, mas mabigat na gastusin sa transportasyon, at dumaraming pasanin ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ayon sa senadora.

Gayunman, aniya, sa pagkilalang ito, maaari nang maisagawa ang mga hakbang sa tamang konteksto, mapa-isyu man ng suplay o presyo, ang kasalukuyang estado ng ekonomiya ay isyung diretso sa sikmura ng mamamayan, bagay na hindi matutugunan ng isang business-as-usual approach.

“Ngayon, kinakailangan ang pangkalahatang aksyon ng pamahalaan. Kinakailangan din ng bukas na pag-iisip sa mga hakbanging hindi kumbensyonal ngunit tumutugon sa tawag ng panahon. Ang mga aksyong ito ay dapat agaran, pinagplanuhan, epektibo, at may malasakit para sa bawat pamilyang Pilipino. Kabilang dito ang ilan sa aking mungkahi tulad ng pagtanggal ng VAT sa mga pangunahing bilihin, langis, at ilang bayarin sa kuryente,” ayon sa mambabatas.

 “Magkakaroon lamang ng tunay na kabuluhan ang deklarasyong ito kung magiging batayan ito ng mabilis, magkakaugnay, at may malasakit na aksyon na maghahatid ng agarang ginhawa sa mga pamilyang Pilipino at gagabay sa bansa sa krisis na ito nang may malinaw na direksyon, matibay na paninindigan, at tiyak na layunin,” giit ni Legarda. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here