MANILA, Philippines – Magdadala ang easterlies ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.
Inaasahang makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Northern Mindanao, Davao Region, Caraga, SOCCSKSARGEN, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Maguindanao del Sur dahil sa easterlies. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang minsang malalakas na pag-ulan.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dahil pa rin sa easterlies. Posible rin umano ang pagbaha o pagguho ng lupa kapag lumakas ang thunderstorms.
Samantala, sa northern at eastern sections ng Luzon at eastern section ng Visayas, magiging mahina hanggang katamtaman ang lakas ng hangin na magmumula sa northeast hanggang east, habang bahagya hanggang katamtaman naman ang pag-alon sa baybayin.
Sa iba pang bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtaman ang hangin na magmumula sa northeast hanggang north, na may bahagya hanggang katamtamang pag-alon sa karagatan. RNT