SA pananaw ng inyong lingkod na isang abogado, hindi ito usapin ng opinyon kundi ng ebidensiya. At sa kasalukuyang sitwasyon, malinaw ang mga palatandaan ng isang umiiral na krisis.
Kung pakikinggan ang tagapagsalita ng Malacañang at ang kalihim ng Department of Energy, tila “normal” lamang ang presyong lampas ₱100 kada litro ng gasolina at diesel. Iginiit pa na walang oil crisis, kahit pa umabot na lamang sa 25 araw ang reserba ng bansa at sunod-sunod ang pagtigil pasada ng mga tsuper—dulot man ng panawagan ng kanilang lider o dahil sa tahasang pagkalugi.
Ngunit taliwas dito ang mismong hakbang ng Pangulo: ang pagbuo ng “crisis committee” at ang pagdeklara ng “national energy emergency”. Sa batas, ang ganitong sitwasyon ay nagpapakita ng “inconsistent official position,” na sumisira sa kredibilidad ng pamahalaan. Hindi maaaring sabihing walang krisis habang kumikilos na tila may emergency. Ang ganitong kontradiksyon ay hindi simpleng kalituhan subalit ito’y maaaring magresulta sa maling polisiya at pananagutan ng estado.
Mas nakababahala, tila mas mabilis pang lumalala ang krisis sa liderato kaysa sa pagtaas ng presyo ng langis. Ang magkakaibang pahayag ng mga opisyal ay nagdudulot ng pagkalito sa publiko, na sa legal na pananaw ay paglabag sa prinsipyo ng transparency at karapatan ng mamamayan sa tamang impormasyon.
Ngunit hindi rin dapat kalimutan ang ugat ng mas malalim na problema—ang matagal nang pandarambong sa kaban ng bayan. Hanggang ngayon, wala pa ring mataas na opisyal ang tunay na napananagot. Sa mata ng batas, ang kawalan ng accountability ay nagpapahintulot sa patuloy na pag-abuso sa pondo ng publiko.
Kung ang pondo ay nagamit nang tama, marahil ay may sapat na kakayahan ang pamahalaan upang tugunan ang epekto ng oil crisis. Maaaring mas katanggap-tanggap din sa mamamayan ang pagpapanatili ng excise tax at VAT sa produktong petrolyo kung may tiwala silang napupunta ito sa tama.
Kaya may krisis ba? Sa ligal na pagsusuri ang sagot ay oo, matagal na. At habang ito’y itinatanggi at hindi tinutugunan nang tapat, lalo lamang itong lumalala.






