Home OPINION ‘NORMAL’ O ‘ABNORMAL’

‘NORMAL’ O ‘ABNORMAL’

140
0

PUMAPASOK na ngayon sa isang buwan ang giyera sa Middle East sa pagitan ng ‘Tadong Unidos, Zionistang Israel at Islamic Republic of Iran.

Ayon mismo sa United Nations at iba pang mga eksperto, malulubog sa ‘recession’ ang buong mundo sakaling tumagal pa hanggang Abril ang digmaan. Translation? Buong mundo ay bubulusok pababa ang ekonomiya at tanging mga bansang nakapaghanda, katulad ng China (na may 8-buwan na oil reserve) at ilan sa mga katabi nating bansa sa ASEAN, ang hindi masyadong “masasaktan” sa negatibong epekto nito.

Para naman “pakalmahin” tayong lahat, ipinipilit ng gobyerno na ‘everything is normal’ at hindi tayo dapat mag-panic o maalarma.

Pero, teka! Normal nga ba o abnormal na ating sitwasyon sa harap ng katotohanan na wala naman tayong ‘strategical oil reserve’ dahil umaasa na lang tayo sa sinasabi ng mga kompanya ng langis at dahil ito ang mandato ng ‘Oil Deregulation Law’ na ipinasa ng ating Kongreso noon pang 1998.

Kung normal, bakti nagbubuo ng ‘Crisis Committee’ ang gobyerno para tugunan ang masamang epekto ng giyera sa Middle East? At bakit din “pumalo” na sa lampas P100 kada litro ang presyo ng diesel at gasoline at nagsara na ang ilang gasolinahan dahil walang suplay?

Bakit din “nagpaalala” si Pangulong Bongbong Marcos sa mga pasahero na posibleng matigil ang paglipad ng mga eroplano dahil kapos na ang suplay ng ‘aviation fuel’ kahit sa ibang bansa?

Inaasahan din ang karagdagan na higit P1,000 sa singil sa kuryente sa mga kumokonsumo ng higit 200kwH ngayong Marso? “Normal” ba ‘yan?

Sabagay nga, maaring nasa normal pa tayong sitwasyon dahil patuloy na nakatutok sa ‘impeachement’ ni Vice President Sara Duterte ang ating mga mambabatas at hindi kung paano natin malalampasan ang kasalukuyang krisis.

O baka naman tayong mga ordinaryong tao lang ang “nag-iisip” na mayroong krisis at para sa kanila ay wala naman?

Hmm. Hindi kaya tayo lang ang nasa “normal” na pag-iisip at “abnormal” na ang ating mga opisyal?

Ano sa tingin ninyo mga kabayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here