Home OPINION KALIGTASAN AT KALUSUGAN SA GITNA NG OIL PRICE HIKE

KALIGTASAN AT KALUSUGAN SA GITNA NG OIL PRICE HIKE

155
0

MAY direktang epekto sa kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Kahit sabihing hindi pa lumolobo ang presyo ng pamasahe, ramdam na ng mga mamamayan ang pagtaas ng presyo ng ilang mga bilihin. Pihadong tatamaan tayo nang pasakit lalo na ang mga minimum wage earner at ang mga kababayan nating “isang kahig-isang tuka.” Mapipilitan talaga tayong maghigpit ng sinturon o sa madaling salita ay magtipid.

Hindi maling isipin na kapag tumagal pa ang krisis na ito ay baka tumaas ang bilang ng gutom at malnutrisyon. Maaaring humina ang resistensya ng isang tao at pwede pa itong magdulot ng mga sakit.

Darating din ang sitwasyon na ang kakulangan sa kita ay maaaring magtulak sa ilang negosyante at manggagawa na magtipid sa safety measures. Halimbawa, ang sasakyan ay maaaring hindi na ipa-PMS, na magiging sanhi ng aksidente sa kalsada. Ang mga pabrika at maliliit na negosyo naman ay maaaring makabawas sa gastusin para sa personal protective equipment at training na maglalagay sa panganib ng empleyado.

Kapag tumindi pa ang kahirapan ay magdudulot ito ng stress at mental health issues. Hindi natin sinasang-ayunan ang masasamang gawain pero kapag ang isang tao ay nahaharap sa matinding kakulangan at gutom, maaari itong humantong sa desperasyon na magtutulak sa kanya upang makagawa ng krimen.

Sa ganitong sitwasyon, kailangang makaisip ng paraan ang pamahalaan ng long-term solution maliban sa pagbibigay ng ayuda. Kailangang palakasin ang mga programang nagbibigay ng health support, kabilang ang libreng konsultasyon at nutrisyon para sa mga mahihirap. Kailangan ding ipatupad ang mas mahigpit na occupational safety and health standards, lalo na sa mga sektor na lubhang naaapektuhan ng pagtaas ng langis.

Kailangang pag-ukulan ng pansin ang pagbibigay ng fuel subsidy at suporta sa transportasyon. Dapat ding paramihin ang pamumuhunan sa sustainable at alternatibong enerhiya upang mabawasan ang panganib dulot nang pabago-bagong presyo ng langis.

Para sa mga lingkod-bayan at mamamayan, magsilbi sanang aral ang kasalukuyang krisis. Ito ang panahong dapat magmalasakit ang isa’t-isa at iwaksi ang mga oportunista at nananamantala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here