MANILA, Philippines – Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng industriya ng kritikal na mineral at malinis na enerhiya upang makahikayat ng pamumuhunan at makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Pinangunahan ni Marcos, bilang Tagapangulo ng ASEAN, ang ika-6 na ASEAN-Australia Summit noong Lunes, kung saan ipinagdiwang ng dalawang panig ang limang taon ng kanilang Comprehensive Strategic Partnership.
Kabilang sa mga pangunahing larangan ng pagtutulungan ang kritikal na mineral at transisyon sa malinis na enerhiya, na inaasahang magbubukas ng mga bagong oportunidad sa mga bansang mayaman sa likas na yaman, kabilang ang Pilipinas.
Pinagtibay din ng ASEAN ang deklarasyon para sa pagbuo ng ASEAN Critical Minerals Strategy. Layunin nitong palakasin ang industriya ng mineral sa rehiyon, mula sa pagkuha at pagproseso hanggang sa pagdaragdag ng halaga sa mga produkto.
Sa kanyang pambungad na pahayag sa summit na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, sinabi ni Marcos na umabot sa 197.5 bilyong Australian dollars ang kabuuang kalakalan ng ASEAN at Australia noong nakaraang taon.
Nagbibigay rin umano ng mas malawak na access sa mga pamilihan at higit na katiyakan sa mga negosyo ang pinahusay na ASEAN-Australia-New Zealand Free Trade Area.
“Sa pamamagitan ng Aus4ASEAN Futures Initiative, sinusuportahan ng Australia ang ating digital transformation, transisyon sa enerhiya, at ASEAN Power Grid,” pahayag ng Pangulo.
Binanggit din niya ang papel ng Australia bilang pangunahing katuwang sa Regional Connectivity Fund for Energy in Southeast Asia.
Ayon kay Marcos, nananatiling pangunahing layunin ng kanilang pagtutulungan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Inaasahang magbubukas ang mas matibay na ugnayan ng Pilipinas sa ASEAN at Australia ng dagdag na oportunidad sa pamumuhunan, magpapalakas sa mga lokal na industriya at lilikha ng mas maraming trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino. (KRIS JOSE)