Home HOME BANNER STORY Barkong may langis mula Russia dumating sa Pinas

Barkong may langis mula Russia dumating sa Pinas

281
0

MANILA, Philippines – Dumating sa Pilipinas ang isang barko na may dalang mahigit 700,000 bariles ng krudong langis mula Russia, ilang araw matapos magdeklara ng national energy emergency ang bansa dahil sa digmaan sa Middle East.

Ang barkong Sara Sky, na may bandilang Sierra Leone, ay nagdala ng mataas na kalidad na langis mula sa ESPO pipeline ng Russia at dumating noong Lunes.

Ayon sa mga dokumento, ang tatanggap ng kargamento ay ang Petron Corp, ang operator ng nag-iisang oil refinery sa Pilipinas.

Malaki ang pagdepende ng Pilipinas sa inaangkat na langis, na lalo pang nagmahal matapos ang digmaan ng US-Israel laban sa Iran na nagdulot ng bahagyang pagsasara ng Strait of Hormuz.

Nakita ng isang AFP journalist ang Sara Sky na nakaangkla sa Limay port malapit sa Maynila, kung saan matatagpuan ang refinery ng Petron. Pinaniniwalaang ito ang unang shipment ng langis mula Russia sa Pilipinas sa loob ng limang taon.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Petron CEO Ramon Ang na nakikipag-usap ang kumpanya para sa posibleng pagbili ng langis mula Russia, ngunit tumanggi siyang kumpirmahin ang pagdating ng shipment.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos noong Miyerkules na naghahanap ang Pilipinas ng iba’t ibang mapagkukunan ng langis dahil inaasahang tatagal na lamang ng 45 araw ang kasalukuyang supply ng bansa.

“We have not only gone to our…traditional oil suppliers, we have tried to explore other sources that are not affected by the war that is ongoing in the Middle East,” aniya sa isang press briefing.

“Nothing is off the table. We are looking at everything, everything that we can do.”

Samantala, niluwagan ng Estados Unidos ang ilang restriksyon sa pagbebenta ng Russian crude, na nagpapahintulot sa pagbili ng langis na nasa biyahe na hanggang Abril 11.

Ayon sa analyst na si Muyu Xu, tinatayang nasa 120 milyong bariles ng Russian oil ang nasa dagat noong panahong iyon, at karamihan ay maaaring nakareserba na ng China o India.

Noong Huwebes, in-activate ng Department of Energy ang P20-bilyong emergency fund na tinawag ni Energy Secretary Sharon Garin na isang “proactive step” para matiyak ang suplay ng langis.

Dagdag pa niya, plano ring pataasin pansamantala ang produksyon ng coal-fired power plants upang mapababa ang gastos sa kuryente habang apektado ang suplay ng gas dahil sa digmaan.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng liquefied natural gas (LNG), sinabi ni Garin na mapipilitan ang bansa na pansamantalang umasa pa sa coal, na pangunahing pinagmumulan ng carbon dioxide emissions.

Ayon din sa kanya, walang limitasyon ang Indonesia—ang pangunahing supplier ng coal—sa dami ng maaaring bilhin ng Pilipinas kung kinakailangan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here