CATANDUANES, Philippines – Pinalaya sa dagat ang 55 green sea turtle hatchlings noong Marso 20 sa Taelan Cove sa Barangay Talisoy, Virac, Catanduanes.
Pinangunahan ang aktibidad ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Catanduanes sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Virac.
Ayon kay PENRO officer-in-charge Lawyer Vivian D. Escoto, ang Barangay Talisoy at Magnesia del Sur ay nagsisilbing nesting grounds at mahalagang tirahan ng mga pawikan, kabilang ang green sea turtle at hawksbill turtle.
Sinabi niya na may humigit-kumulang pitong coves sa lugar na sumasaklaw sa tinatayang 81 ektarya ng breeding at nesting habitats.
Ayon pa kay Escoto, nakatulong ang mahigpit na monitoring at conservation efforts ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at LGU sa pagdami ng mga pawikan sa lugar.
Ang green sea turtle ay itinuturing na “endangered” at protektado sa ilalim ng batas na Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147).
Nanawagan naman si DENR Bicol Regional Executive Director Francisco E. Milla Jr. sa publiko na pangalagaan ang wildlife at ireport ang anumang insidente ng pagkakakulong o pagsadsad ng mga pawikan at iba pang hayop. RNT/MND