MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa India, Argentina, at Canada para sa posibleng alternatibong suplay ng petrolyo kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng patuloy na sigalot sa Middle East, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, batay sa impormasyon mula kay Energy Secretary Sharon Garin, nakikipagdayalogo ang bansa sa mga bansang hindi umaasa sa suplay ng langis mula sa Middle East.
”Siyempre unang-una, magdasal tayo na magkaroon na ng agreement sila at magkaroon ng pagkakasundo. Kapag hindi po kasi agad nagkasundo at hindi natapos itong sigalot sa Middle East, malaki po talaga itong magiging epekto,” ani Castro.
Dagdag pa niya: ”Pero muli, tinanong natin diyan si Secretary Sharon Garin at ito ang kaniyang sinabi (We also asked Secretary Sharon Garin and this was her statement), and I quote, ‘We are stocking up and now in dialogue with other counties like India, Argentina, Canada, and other countries that do not rely on Middle East for their petroleum,”’.
Sinabi ni Castro na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang tinatawag na “worst-case scenario” at sa kasalukuyan ay wala pang plano na magpatupad ng energy lockdown.
Kaugnay naman ng panukalang price freeze sa mga pangunahing bilihin, sinabi ni Castro na ito ay pinag-aaralan pa upang matiyak ang balanse sa pagitan ng oil industry at ng mga mamimili.
”Hindi po natin sinabing hindi magpa-price freeze. Ang sabi po natin, aaralin po ito. At ito po ay babalansehin at kung ano ang nararapat para po hindi lang isang sektor ang maaapektuhan – balanse para sa oil industries, balanse para sa taumbayan,” ani Castro. RNT