MANILA, Philippines – Ayon sa Bureau of Immigration (BI), nasa Pilipinas pa rin umano si fugitive businessman Atong Ang na iniuugnay bilang umano’y mastermind sa kaso ng missing sabungeros.
Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na batay sa kanilang records, walang naitalang paglabas ng bansa si Ang mula nang lumutang ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
“Sa record po natin, nakikita po natin that he is still in the country,” ayon kay Sandoval sa isang forum sa Manila.
Tinanong din kung posibleng nakatakas si Ang sa pamamagitan ng private yacht o eroplano, ngunit ipinaliwanag ng BI na dumaraan pa rin sa immigration inspection ang mga pribadong sasakyang panghimpapawid at kailangan ng clearance mula sa iba’t ibang ahensya.
Dagdag ng BI, may posibilidad man ng “backdoor exit,” patuloy itong binabantayan ng mga awtoridad.
Samantala, sinabi rin ng BI na nananatili sa abroad si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang kanyang kinaroroonan. RNT/MND