Home TOP STORIES Austria, planong ipagbawal social media sa edad 14 pababa

Austria, planong ipagbawal social media sa edad 14 pababa

145
0

VIENNA, Austria – Inanunsyo ng Austria na balak nitong ipagbawal ang paggamit ng social media para sa mga batang edad 14 pababa, dahil umano sa masamang epekto nito tulad ng addiction, karahasan, maling impormasyon, at hindi makatotohanang pamantayan ng kagandahan.

Ayon kay Vice-Chancellor Andreas Babler, mahirap para sa mga magulang na kontrolin ang paggamit ng kanilang mga anak sa mga platform na idinisenyo upang gawing dependent ang mga gumagamit.

Target ng bansa na maipasa ang batas ngayong tag-init upang agad itong maipatupad.

Sinabi rin ni Babler na tututukan nila ang mga platform na gumagamit ng algorithms na nagdudulot ng addiction at kumikita kahit may negatibong epekto sa kabataan.

Dagdag niya, ang mga bata ay nalalantad sa mga maling ideya, glorification ng karahasan, at manipulasyon online.

Gayunman, wala pang kasunduan ang ruling coalition kung paano ipatutupad ang age verification system.

Samantala, natapos ang isang tatlong linggong “no mobile phone” experiment na sinalihan ng 72,000 estudyante at pamilya, kung saan napansin umano ng mga bata ang masamang epekto ng labis na paggamit ng gadgets.

Plano rin ng gobyerno na magdagdag ng bagong asignatura na “Media and Democracy” upang turuan ang mga estudyante na makilala ang tama at maling impormasyon.

Tinuligsa naman ng far-right FPÖ party ang hakbang, na tinawag itong paglabag sa freedom of expression.

Ilang bansa sa Europa tulad ng France, Spain, at Denmark ay nagpaplano rin ng katulad na batas.

Sa Estados Unidos, napatunayang may pananagutan ang Meta at Google sa epekto ng social media sa mental health ng kabataan matapos ang mga desisyon ng korte kaugnay ng paggamit ng Instagram at YouTube. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here