ILOCOS SUR, Philippines – Sugatan ang isang 78-anyos na lalaki matapos aksidenteng mabangga ng isang motorsiklo sa national highway sa Brgy. Banaoang, Bantay ng lalawigang ito nitong Biyernes ng gabi, Marso 27.
Ayon sa pulisya, ang nabanggang lalaki ay isang retired government employee, residente ng naturang bayan.
Ang Honda Click na nakabangga sa pedestrian ay minaneho ng 32-anyos na lalaki may asawa, manager lending company, residente ng Dolores, Abra.
Angkas nito sa naturang motorsiklo ang isang 34-anyos na babai na isa rin manager ng lending company, residente ng San Juan, Abra.
Base sa pahayag ng driver at back rider ay bumibiyahe sila papuntang timog.
Pagdating sa pakurba at pababang bahagi ng highway, walang pag-iingat na tumawid sa kalsada ang pedestrian galing kanluran papuntang silangan na nagresulta sa naturang aksidente.
Matapos mabangga ang pedestrian ay sumemplang sa kalsada ang motorsiklo.
Dahil dito, sugatan din ang driver ng motorsiklo at ang angkas nito.
Agad na isinugod sa ospital ang pedestrian pati na ang driver ng motorsiklo at ang angkas nito. Rolando S. Gamoso