Home NATIONWIDE VP Sara: Mga abogado ‘di kumonsulta sa paghahain ng TRO sa impeachment

VP Sara: Mga abogado ‘di kumonsulta sa paghahain ng TRO sa impeachment

126
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Sabado, Marso 28 na hindi siya kinonsulta ng mga abogado sa paghahain ng temporary restraining order laban sa impeachment proceedings sa Kamara.

“Oh, hindi sila nag-consult sa akin, no? Kasi hindi ko na iniisip ang impeachment sa panahon ngayon. Iniwan ko na yan lahat sa mga abogado,” ani Duterte.

Sa kabila nito ay nagpasalamat pa din siya sa mga abogado na pinamumunuan ni Israelito Torreon sa paghahain ng petisyon.

“Nagpapasalamat ako sa mga lawyers, independent lawyers na hindi kasama sa defense team, na nag iisip pa rin na ipagtanggol ang ating saligang batas at kontrahin ang pag abuso ng proseso ng impeachment,” sinabi ni Duterte.

Noong Biyernes ay naghain ng petition for certiorari ang grupo ng mga abogado sa Korte Suprema para pigilan ang impeachment proceedings sa Kamara.

Sa kanilang petisyon para sa petition for certiorari na may prayer for TRO, hiniling ng mga abogado sa pangunguna ni Torreon sa Korte Suprema kung dapat bang payagan na magpatuloy ang impeachment complaints sa Kamara na “constitutionally and procedurally defective.”

“The Constitution grants the House the sole power to initiate impeachment, but that power is not absolute,” saad sa petisyon.

“It is bounded by law, by due process, by the Committee’s duty to dismiss complaints that fail the required threshold tests, and by prohibition against converting impeachment initiation into a roving inquiry designed to build, rather than merely evaluate, a case,” dagdag pa.

Iginiit ni Duterte na ang impeachment ay hindi kabilang sa kanyang mga prayoridad maging ang usapin para sa Senate slate sa 2028 elections.

“Sa ngayon, hindi ko muna iniisip. Although nag-declare na ako ng aking kandidatura. I am a presumptive candidate for the 2028 presidential elections. Pero hindi ko pa yun pinagpaplanuhan sa ngayon. Tulad ng impeachment, hindi yan ang prioridad at iniisip ko ngayon.”

“Dahil napakarami sa ating mga kababayan ang nananawagan pa rin ng totoong pagmamahal at serbisyo galing sa ating pamahalaan. Kami sa Tanggapan Ng Pangalawang Pangulo, yun ‘yung prioridad namin ngayon. Kahit maliit ‘yung opisina namin, lahat kami nagtutulong-tulong, nag-iisip paano makatulong sa taong bayan,” pagpapatuloy niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here