MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang nasa 30 master cases ng hindi dokumentadong sigarilyo na nagkakahalaga ng P690,000 sa tatlong indibidwal sa “Oplan Sita” operation sa Barangay Calumbitin, Cuyapo, Nueva Ecija nitong Sabado, Marso 28.
Ayon kay Police Col. Richie Claravall, director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), nagpapatrolya ang mga operatiba mula sa Cuyapo Municipal Police Station nang mapansin ang isang itim na van na nakaparada sa Cuyapo–Talugtug Road sa isang barangay bandang 12:50 ng madaling araw.
“Upon inspection, officers spotted several boxes of cigarettes in plain view inside the vehicle,” sinabi ni Claravall.
Bigong makapagpresenta ng dokumento ang drayber, 59-anyos, at dalawang lalaking kasama na edad 47 at 18, para ibyahe ang mga produkto.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang hinihinalang kontrabando na natukoy bilang Modern Zlights cigarettes.
Nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang tatlong suspek.
“This operation shows our commitment to stopping the transport and sale of illegal cigarettes in the province,” sinabi ni Claravall.
“We will continue to intensify our checkpoints and patrols to curb all forms of illegal activity.” RNT/JGC