MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domahoso na halos nasa 28,000 pasahero na ang nakinabang sa libreng sakay ng jeep sa Maynila pagsapit ng alas-11 ng umaga nitong Lunes, Marso 30.
Batay sa datos na iniulat ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje, umabot sa 27,994 pasahero ang napagsilbihan hanggang alas-11 ng umaga.
Ayon kay Yorme Isko, layunin ng programa na maibsan ang hirap ng mga Manileño sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
“Makaramdam lang ng ginhawa ang taong bayan, maramdaman lang nila na may gobyerno sa Maynila, masaya na ako,” ani Domagoso.
Ipinaliwanag ng alkalde na idinisenyo ang programa upang sabay-sabay makinabang ang apat na sektor—mga operator, driver, gasolinahan, at mga commuter—bilang tugon sa epekto ng global oil crisis.
Aniya, garantisado ang boundary ng mga operator sa ilalim ng programa at sasagutin ito ng pamahalaang lungsod.
Para naman sa mga driver, mula sa karaniwang ₱200 hanggang ₱300 na netong kita kada araw, itinaas ito sa hindi bababa sa ₱1,000 na garantisadong kita. Ibinibigay ang kalahati ng bayad bago bumiyahe at ang natitirang kalahati ay ibinibigay matapos ang kanilang biyahe.
“Hindi sila gaanong mai-stress sa pagmamaneho at may kasiguruhan sila na may maiuuwi silang kita,” dagdag ni Domagoso.
Kasama rin sa makikinabang ang mga gasolinahan, dahil sa 919 na jeep na tuloy-tuloy na bibiyahe anuman ang dami ng pasahero, na magtitiyak ng tuloy-tuloy na pagbili ng gasolina.
Samantala, libre ang pamasahe ng mga estudyante, manggagawa, at iba pang pasahero na bumibiyahe sa loob ng anim na distrito ng Maynila habang ipinatutupad ang programa.
Aminado ang alkalde na aabot sa humigit-kumulang ₱20 milyon ang gagastusin ng lungsod sa loob ng limang araw para sa programa, ngunit aniya ay makatarungan ito dahil sa lawak ng matutulungan.
Binanggit din ni Domagoso ang araw-araw na pangamba ng mga commuter na hindi sapat ang kanilang pera para sa pamasahe at iba pang gastusin.
“Papasok ka, kinakabahan ka kung ang pera mo ay kakasya pa sa pamasahe at iba pang pangangailangan,” aniya. JAY Reyes