Home NATIONWIDE Bill ni Aquino: Produktong petrolyo, isasailalim sa price control ng gobyerno

Bill ni Aquino: Produktong petrolyo, isasailalim sa price control ng gobyerno

179
0

MANILA, Philippines – Bilang tugon sa lumalalang krisis sa langis na nagpapabigat sa maraming pamilyang Pilipino, naghain si Senador Bam Aquino ng isang panukala upang iklasipika ang gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo bilang basic necessities ilagay ang mga ito sa ilalim ng mekanismo ng price control ng pamahalaan.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2011, sinabi ni Aquino na tutugunan ng panukalang batas ang kakulangan sa Republic Act No. 7581 o ang Price Act, sa pamamagitan ng pagsasama ng mga produktong petrolyo sa listahan ng mga pangunahing pangangailangan na maaaring patawan ng price ceiling sa panahon ng national emergency.

Sa kasalukuyan, tanging liquefied petroleum gas at kerosene lang ang itinuturing na basic necessities, habang ang gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo ay hindi saklaw ng price control mechanism.

“The Philippines is in the midst of a fuel price crisis, and Filipino families are feeling the strain. Rising diesel and gasoline prices have pushed up transportation costs, food prices, and the cost of basic goods,” ani Aquino.

“Across the country, workers, small business owners, farmers, and ordinary households are struggling to make ends meet,” dagdag pa niya.

Pinapalawig din ng panukalang batas ang allowable period ng price control sa mga produktong ito mula 15 araw tungo sa 30 araw, upang matiyak na mananatiling epektibo ang mga hakbang ng gobyerno sa gitna ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo.

“This proposal complements broader efforts to deliver targeted assistance, support workers and small businesses, and ensure the continuity of essential services during this period of uncertainty,” diin ni Aquino.

Bukod sa paglalagay ng mga produktong petrolyo sa ilalim ng price control, isinusulong din ni Aquino ang suspensyon o pagtanggal ng 12 porsyentong value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, na aniya ay makapagbibigay ng malaking ginhawa sa mga Pilipinong apektado ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.

Ayon kay Aquino, ang muling pagrepaso sa pangongolekta ng VAT sa mga produktong petrolyo ay magkaroon ng mas malaki at mas direktang epekto sa presyo ng langis at makatulong na mapagaan ang pasanin ng mga mamimili, lalo na ang mga transport worker.

“Sa kasalukuyang presyo ng diesel ngayon na P124 kada litro, kapag inalis natin ang 12 porsyentong VAT at excise tax, bababa ang presyo nito ng halos bente pesos kada litro. Malaking tulong ito sa mga Pilipino,” paliwanag niya.

Nanawagan siya sa Department of Energy at sa mga economic managers, kabilang ang Department of Finance at ang Department of Economy, Planning, and Development (DEPDEV), na seryosong pag-aralan ang mga reporma sa VAT sa langis at isaalang-alang ito bilang bahagi ng agarang tugon ng pamahalaan sa krisis sa langis.

“Magandang mapag-usapan, kasi yung taumbayan, naghahanap ng agarang tulong. And the excise tax is one, but VAT actually will be a bigger subtraction in the pump price kung masuspinde natin ito,” wika ni Aquino sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee.

Tumayo rin si Aquio bilang co-author at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Kung ipatutupad, maaaring itong magpababa sa presyo ng gasolina at diesel ng P10 at P6 kada litro, ayon sa pagkakasunod. Maaari rin nitong pababain ang presyo ng liquefied petroleum gas ng P3 kada kilo at kerosene ng P5 kada litro. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here