MANILA, Philippines – Babawasan ang mga face-to-face na pagpupulong at iba pang aktibidad ng mga delegado para sa nalalapit na ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) meeting sa Oktubre at Nobyembre kung saan ang Pilipinas ang host sa gitna ng lumalalang krisis bungan ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Kinumpirma ito ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na maraming mga aktibidad at pagpupulong ang gagawin na lamang online o sa pamamagitan na lamang ng virtual platforms bilang pagtugon na rin umano sa bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Following the guidance of the President, we are adopting necessary austerity measures in our AIPA hosting—without compromising its objectives. We will focus our resources on the meetings that matter most, while ensuring that the work of parliamentary diplomacy continues uninterrupted.”
Aniya, ang tensyon ay nakapagdulot na ng krisis lalo na sa biglang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkaso na malaking epekto aniya sa pagbiyahe at iba pang gastusin sa paghahanda maging sa mismong AIPA meeting.
“Patuloy po nating gagampanan ang iniatas na tungkulin sa atin bilang host ng AIPA. Gayunpaman, hindi natin puwedeng isantabi ang epekto ng krisis sa Middle East—lalo na ang pagtaas ng presyo ng langis—na direktang magpapabigat sa magiging gastusin kabilang ang plane fares at iba pang logistical requirements,” paliwanag pa ni Dy.
Sa ngayon aniya ay patuloy na naghahanda ang mga mambabatas ng Pilipinas para sa nalalapit na AIPA meeting kung saan nakasentro ito sa “people-centered, forward-looking ASEAN,” ngunit ang pagsasagawa aniya ng mga digital at virtual meetings ay maituturing na “practical and principled.
“Sa bawat desisyon natin, mahalaga pong palagi nating unahin ang kapakanan ng mamamayan. By maximizing digital platforms, we reduce costs, ease the burden on public resources, and continue to fulfill our responsibilities to our ASEAN partners,” binigyang diin pa ni Dy.
Sinabi naman ni Deputy Speaker at Foreign Affairs Committee Chair Maria Rachel Arenas na siyang itinalagang manguna sa paghahanda para sa AIPA na isinasagawa ang mga “recalibrated to ensure a smooth transition to a hybrid format centered on two key in-person events.”
“Following the instructions of Speaker Dy, we are aligning all committees and participating delegations with the revised structure. The General Assembly, scheduled in October, and Interface Meeting in November, will proceed as planned, while all other preparatory engagements will be conducted through secure and efficient virtual platforms,” ani Arenas.
Buo aniya ang suporta ng Kamara sa mga pagsusulong ni Dy na maisaayos ang preparasyon sa AIPA meeting kung saan darating sa Pilipinas ang ASEAN counterparts. Meliza Maluntag